Game si Senadora Imee Marcos na sumabak sa DNA test para umano masolusyonan ang paingay ng pamangkin niyang si House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.
Pero hirit niya, dapat din silang magpa-hair follicle drug test.
“Gustong paingayin ni Sandro ang usap-usapang hindi ako tunay na kapatid,” sabi ni Imee sa isang Facebook post nitong Martes.
“Isa lamang ang solusyon: Magpapa-DNA TEST ako, magpaHAIR FOLLICLE TEST sila,” dagdag pa niya.
Ang pahayag ng senadora ay tugon sa banat ni Rep. Marcos, panganay na anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos ang pasabog ni Imee sa kilos-protesta nitong Lunes kung saan sinabi niyang gumagamit umano ang Pangulo ng ilegal na droga.
“HINDI ITO ASAL NG ISANG TUNAY NA KAPATID,” giit ni Rep. Marcos.

