I-regulate ang Paggamit ng AI
Nais maghain ng panukalang batas si Senador Win Gatchalian para i-regulate ang paggamit ng artificial intelligence sa bansa dahil sa lawak ng posibleng maidudulot nitong pinsala kapag gagamitin sa masamang layunin.
Ito ang kasalukuyang pinag-aaralang mabuti ni Gatchalian, na chairman ng Senate Committee on Finance, na nagsabing “Kailangang magkaroon ng regulasyon sa paggamit ng AI. Kung gagawa ka ng videos at mga larawan gamit ang AI, dapat may accountability at kailangang i-disclose na gumamit ng AI dahil sa panahon ngayon na patuloy na umuunlad ang teknolohiya, napakahirap nang ma-detect kung AI o hindi.”
Ang hakbang ay ginawa ni Gatchalian sa budget deliberations para sa panukalang pondo ng Department of Information Communications and Technology.
Ayon sa kanya, ang lumalawak na paggamit ng AI technology ay maaaring magpalala ng disinformation at magdulot ng mas malalim na hidwaan sa lipunan, pati na ng pagkawala ng tiwala ng publiko.
“Napakadelikado nito lalo na’t ngayon na kahit na sino ay pwede nang maging AI artist. Kailangan nating pag-aralang mabuti at seryosohin ang teknolohiyang ito,” dagdag pa ni Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na aktibong tinatrabaho ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa pag-takedown ng mga deepfake AI clips. Gayunpaman, ayon sa senador, mahalaga pa rin ang matatag at angkop na batas upang ma-regulate ang paggamit ng AI sa bansa.
