Sa ilalim ng Bill of Rights ng 1987 Constitution Article III Section 1 ay malinaw na nakasaad na “No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.”
Higit 47-taon na ang limang pamilyang nakatira sa 300-square meter na bakanteng lote sa 031 Baraimbao Carol St., San Miguel Subdivision, Barangay Tandang Sora, Quezon City. Pinatira raw sila ng may-ari ng naturang lote ng libre o yaon bagang walang bayad o upa man lang.
Sa loob ng higit 47-taon ay itinuring na nilang pag-aari nila ang lote dahil nga sa kabutihan ng nagpatira sa kanila. Inalaagaan nila ang lugar na para bagang personal nilang pag-aari iyon.
Pero wala silang titulo na magpapatunay na sila na ang may-ari ng property. Wala man lang sila deed of donation na hawak kasi hindi na nila nakita ang may-ari nito o kahit na sino mang mag-represent sa kaniya sa matagal nang panahon.
Hanggang sa biglang nagulat na lamang ang mga residente sa lugar kasi may sumulpot mula sa ibang rehiyon na may tangan na dokumento raw na magpapatunay na binili na niya ang lugar at pinalalayas na niya sa naturang lugar ang occupants nito. Tsk, tsk, tsk!
Gusto ng claimant na lumayas ang mga nakatira sa lugar at magbibigay na lamang daw siya ng kaunting ayuda para lang makalipat agad sila. Sus, ginoo!
Natural, ayaw ng mga residente na tanggapin ang ayuda at nais nilang ipaglaban ang kanilang karapatan.
Biro n’yo, mga padrino ko, ang nagpapalayas sa mga residente ng lugar ay yaong nagsasabing nakabili at hindi yaon mismong may-ari ng property na nagpatira sa kanila sa lugar! Sus, ginoo!!
Kaya idinulog niya sa barangay ang pagpapalayas sa mga nakatira sa lugar at doon mistula raw siyang nagwala at pinag-mumura ang mga inireklamo niya! Halimaw ba? Nagtatanong lang po!!
Pero sa laki ng perang pinambili niya sa naturang property ay dapat sa court of law na niya idinulog ang kanyang problemang pag-papaalis sa mga nakatira sa lugar kung tunay ang kanyang dokumento. Alam ng lawyer n’ya ang tamang gawin sa problemang ito pero hindi nila ginawa kaya duda ako sa claim na ito! Tsk, tsk, tsk!!
Hindi ako abogado pero kung tunay ang kanilang dokumento at hindi ito peke ay pwede sigura silang magsampa ng kasong unlawful detainer laban sa mga nakatira sa lugar. Para sa eviction ng mga nakatira dito sa loob ng 47-taon!
Pero sa halip na sa court of law niya idinulog ang kanyang problema ay sa barangay siya nagtungo kasama ang kanyang magaling na lawyer! Sus, ginoo!!
Maaaring hindi na siputin ng mga residente sa Lupon ng Tagapamayapa kasi hindi naman nila hurisdiksiyon ang problema. Nakatira sa malayong rehiyon ang claimant na nakatuntong lang sa Quezon City, kaya sa korte na lang niya idulog ang kanyang problema.
Hinahamon ko sila na magsampa ng kaso kung tunay ang kanilang dokumento!
Sa korte ay manunumpa sila kaya kung kasinungalingan ang kanilang panunumpaan ay maaari silang ipagharap ng kasong perjury na may kaakibat na kulong! Surmaryosep!!
Abangan!!!
***
Bagaman na-celebrate na ang 18th birthday noong Nobyembre 23, ng aking apo na si Julianna Gaile “Janna” R. Organista, nagpasiya ang aking mga kapatid na muli siyang bigyan ng party noong Nobyembre 29, sa Regalla Towers, sa P. Tuazon, Quezon City.
Lubos akong nagpapasalamat sa aking mga kapatid na sina Ate Marilyn Rosario-Tugado, retired Manila Bulleting House of Representatives reporter Ben R. Rosario, Supreme Court Associate Justice Ricardo R. Rosario, retired Bureau of Internal Revenue employee Babette Rosario-Reyes, Renato R. Rosario, Maritess Rosario-Katindoy, Mita Rosario-Caranto, Atty. Enrico R. Rosario, Gary R. Rosario, Sonny R. Rosario, City of Manila Regional Trial Court Judge Ma. Cristina Rosario-Osoteo at Caloocan City Regional Trial Court Judge Bernard R. Rosario.
Maraming salamat sa mga dumalong mga pamangkin at apo na kabilang sa Barangay Rosario.
***
Para sa komentaryo: dodorosario@yahoo.com

